"Take courage! It is I." (Matthew 14:27)
Isang malaking kagalakan sa paslit na bata kapag narinig niya ang pagdating ng ama. Agad itong tatayo, iiwanan ang laruan at kakaripas ng takbo sa may tarangkahan o pintuan upang salubungin ang ama na sa kanya nama’y may pasalubong na dala. Buong higpit itong yayakap at hahalik sa minamahal at kinasasabikang ama. Ang ina nama’y nakamasid lamang at buong ningning na nakangiti sa anak habang lalapit na rin sa mahal na asawa.
Marahil nananariwa sa inyong alaala ang ganitong tanawin na karamihan sa atin ay naranasan, sa ama man o sa ating ina.
Noong araw ako’y tuwang-tuwa kapag natanaw ko na si Inay na dumarating na galing noon sa paglalabada. Halos isang buong araw kasi na ako lang at mga kapatid ko na aking inaalagaan ang naiiwan sa bahay. Kung kaya’t ang pagdating ni Inay ay isang kagalakan sa amin lalo na kapag may pasalubong siya sa aming pagkain.
Ganito rin naman ang aking kasabikan kapag nalaman ko kay Inay na darating si Tatay na noo’y pasulpot-sulpot lamang kung pumunta sa bahay at madaling-araw pa kung siya’y dumating. Inaabangan ko na iyon hanggang sa ito’y akin nang makatulugan. Gigisingin na lamang ako ni Inay kapag nandiyan na si Tatay na may pasalubong na pansit at siopao na kanyang binili sa Quiapo.
Ang malaman na nasa tabi mo ang iyong ama’t ina ay isang kagalakang di mapapantayan. Napapawi ang takot o ano mang pangamba. Naiibsan ang lungkot at pangungulila. Muling kang sumisigla, nagiging kampante at lumalakas ang kalooban.
Ganito mismo ang nadama ng mga disipulo ng Panginoong Hesus ng Kanyang winika sa kanila “Ako ito. Huwag kayong matakot.”
Pagkat noon sila’y natakot nang maanigan sa di kalayuan na may naglalakad sa tubig. Malakas ang alon noon at ang hangin ay halos ibuwal ang bangkang kanilang sinasakyan patungo sa kabilang pampang. Subalit nang marinig nila ang tinig ng Panginoong Hesus at malamang Siya iyon, takot nila’y napawi at napalitan ito ng kakaibang kapayapaan.
Tayo ba’y may kinatatakutan din sa ngayon? May mga pangamba ba tayo at agam-agam? Bangka ba nating sinasakyan ay hinahampas ng malakas na hangin at pilit na binubuwal?
Pakinggan mo ang tinig Niya na nagsasabing “Ako ito, huwag kang matakot.” Siya’y lagi nating kasama at kailanma’y di Niya tayo iniwan at pinabayaan. Huwag manimdim, bagkus magalak pagkat Ama natin ay darating na. Ang ating paghihintay ay papalitan Niya ng lubos na kagalakan.
Sa ating pag-iisa, sa ating pangungulila, kapag may takot na nadarama, kung may pangamba at agam-agam, dinggin mo ang tinig Niya na nagsasabing “Ako ito.” At ang kapayapaang di malirip ay iyong makakamit.
Isang Pagbubulay-bulay. (2009 copyrighted)