Tuesday, August 11, 2009

Bakit ka Nagduda?


Sa panulat ni Max Bringula

Immediately Jesus reached out his hand and caught him. "You of little faith," he said, "why did you doubt?" (Matthew 14:31)

Bakit ka nagduda?” ang tanong ni Hesus kay Pedro, pagkatapos nitong iahon ang huli sa unti-unting paglubog sa tubig.

Diretso sana ang paglakad ni Pedro sa tubig. Walang patlang, kungdi sunod-sunod ang hakbang na may katiyakan. Buo ang pananalig na makararating sa kinaroroonan ni Hesus. Subalit dahil sa malakas na hampas ng hangin na naramdaman at ng tubig sa kanyang paanan, ang dating matibay at buong pagtitiwala ay napalitan ng takot, ng pangamba at pagdududa.

Ito ang naging sanhi ng kanyang unti-unting paglubog.

Ganito rin maituturing ang sanhi ng ating unti-unting paglubog. Ng mga gusot at problemang ating nararanasan, ng hirap ng kalooban na ating nadarama. Dahil tayo ay nagduda. Nagkulang ng pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos, ng Kanyang magagawa sa atin. Dahil dito, tayo’y unti-unting lumulubog.

Dati-rati diretso ang ating lakad. Walang patlang. Sunud-sunod ang hakbang na may katiyakan. Masigla, masigasig. Hindi alintana ang unos, ang bagyo, ang malakas na hangin ng suliranin, ng pagsubok at pag-uusig na nararanasan.

Subalit bakit ngayon ika’y tumigil sa paglakad? Manaka-nakang paghakbang na lang ang iyong ginagawa. Wala na ang dating sigla, ang kasigasigan. Naigugupo ka na ng pagsubok, ng problema at kahirapan.

Bakit ka nagduda? Bakit ka nag-alinlangan sa magagawa ng Diyos sa iyong buhay? Bakit mo pinagdudahan ang kapangyarihan Niya?

You (men) of little faith!”. Napakaliit ng iyong pananampalataya.

Marahil tayo ay nasa ganitong kalagayan. Nanghihina. Nanghihinawa. Natatakot. Nangangamba. Huwag pagdudahan ang magagawa ng Diyos. Siya na nagpatigil ng bagyo at unos ay Siya ring magpapatigil ng unos na nararanasan natin sa buhay. Ibigay mo lamang ang buong pagtitiwala sa Kaniya. Huwag magduda sa Kanyang magagawa.

Increase our faith” yan ang minsang hiningi ng mga disipulo sa Panginoon. (Luke 17:5) Ito rin ang ating gawin. Hingin natin sa Kaniya na dagdagan ang ating pananampalataya, sa halip na magduda at mag-alinlangan.

Sa Mark 9:23, sinabi ni Hesus na lahat ay posible sa mga nananalig ng lubos.

Kung gayon, huwag magduda. Manalig ng lubos upang tayo'y makalakad ng tuwid, ng walang patlang ng may katiyakan. Hindi lulubog bagkus mararating natin ang kinaroroonan ni Hesus.

Ikaw, nagdududa ka pa rin ba?

Isang Pagbubulay-bulay. 2009 copyrighted.

No comments: