Showing posts with label Song. Show all posts
Showing posts with label Song. Show all posts

Sunday, January 18, 2009

Sa Ugoy ng Duyan


"Come to me, all you who are weary and burdened, and I will give you rest." (Matthew 11:28)

Iduyan mo ako sa ‘yong mga yakap
Dalhin mo ako sa dakong naroon Ka
Dahil napakasarap Oh Diyos kapag kasama Ka
May kagalakang di mapapantayan
Tunay na ligaya ay nakakamtan.

Ito’y lyrics ng Christian song na aking napakinggan habang ako’y nagmamaneho patungo sa opisina. Ang mga titik ng awit na ito na sinabayan ng malumanay na saliw ng tugtugin at akmang melodiya ay higit na nakapagdulot sa akin ng kakaibang kapahingahan at kalakasan habang siya’y aking pinapakinggan.

Naalala ko tuloy ang duyan na aking gamit nang ako’y paslit pa lamang. Bagama’t siya’y kumot lamang na itinali sa magkabilang dulo at isinabit sa poste ng aming bahay, malaking kapahingahan ang ibinibigay niyon kapag ako'y doon ay humimlay.

Doo’y napakasarap umidlip habang ika’y idinuruyan at inaawitan ng lullaby ni Inay. Mahimbing ang aking pagtulog pagkat tiyak kong sa bawat ugoy ni Inay ng duyan ay lakip roon ang kanyang kalinga’t pagmamahal.

Ganoon din maihahambing ang dulot ng pag-ibig sa atin ng Ama sa Langit. Sa Kanyang mga bisig, animo’y tayo’y nakahimlay sa duyan habang inuugoy ng Kanyang mga kamay. Kaya nga’t sabi ng awit

Iduyan mo ako sa ‘yong mga yakap,
dalhin mo ako sa dakong naroon Ka
Dahil napakasarap oh Diyos kapag kasama Ka
.”

Kung tayo’y napapagal sanhi ng labis na kaguluhan sa mundong ating ginagalawan, kung ang isip nati’y pagod na sa suliraning patuloy na nararanasan, kung ang puso nati’y hapo na sa paghahanap ng kapahingahan at katuparan ng mga minimiti at ninanais sa buhay, kung tayo'y nalulungkot at nalulumbay, alalahanin natin at pakinggan ang paanyaya ng Panginoon –

"Come to me, all you who are weary and burdened, and I will give you rest.” (Matthew 11:28)

Ito ang Kanyang pangako sa atin - sa lahat ng napapagal at namimighati. Tayo’y Kanyang iduruyan. Kalong ng Kanyang kamay at yakap ng Kanyang bisig, ipadarama Niya sa atin ang init ng Kanyang pagmamahal.

Sadyang napakasarap humimlay sa bisig ng ating Diyos. Doo’y makararanas tayo ng kapahingahan, makasusumpong ng kapanatagan, at makakamtan ang katagumpayan.

Ikaw ba’y napapagal, nahahapo, naninimdim, naguguluhan, nalulumbay?

Sa Kanyang duyan tayo humimlay. Sa ugoy ng duyan Niya tayo’y makasusumpong ng kapahingahan.

Iduyan mo ako sa ‘yong mga yakap,
dalhin mo ako sa dakong naroon Ka
Dahil napakasarap oh Diyos kapag kasama Ka.”

Isang pagbubulay-bulay.

Wednesday, November 19, 2008

"Sayang" - Isang Pagbubulay-bulay


"Sayang! " - isang expression na ating kadalasang naririnig kapag may isang oportunidad o pagkakataong abot-kamay na natin, subalit lumagpas pa at di na-enjoy o nakamit dahil na rin marahil sa kapabayaan o kawalan ng interes o paniniwala.

O kaya nama'y kapag ang isang bagay na gustung-gusto natin ay napunta sa iba, mariin nating nasasambit ang katagang "Sayang!'

Nung dekada 70 ay sumikat ang awiting may titulong "Sayang " na noo'y inawit at pinasikat ni Claire dela Fuente. Tanda nyo pa ba ito? Aminin....

Bagama't ngayon ay may bago ng version ang "Sayang " na inawit naman ng Parokya ni Edgar. Alam nyo ba ito? Ako, alam ko... kapanahunan ko kasi ito eh. hehehe....

Kaylan nga ba natin huling nabigkas ang salitang "Sayang! "?

Sayang dahil maraming pagkakataong ibinigay sa atin na bahaginan ng Salita ng Diyos ang isang kaibigan, kapamilya, kapuso, kababayan, ka-opisina, kakuwarto, kabarkada, ka-tropa, ka-eskuwela, at iba't iba pang ugnayan natin sa isa't isa, subalit lumagpas ang pagkakataong iyon na di man lamang natin nabigkas ang mga Salitang magdudulot sana sa kanila ng buhay na walang-hanggan pagka't dumating ang panahon na pumawi na sila sa ating paningin. Ang pagkakataong iyon ay nawala na. "Sayang! Ba't di ko man lang nasabi sa kaniya nung andito pa siya," ang iyo na lamang naibulalas, habang ang lungkot at panghihinayang ay iyong damang-dama.

Sabi sa James 4:14, "For what is your life? It is even a vapor that appears for a little time and then vanishes away." Sandali nga lamang ang buhay ng tao. Kani-kanina lamang kausap o kasama mo, maya-maya'y wala na. Hindi natin tiyak hanggang kailan o di natin hawak ang buhay ninuman. Mahaba man o maikli ang itagal ng tao sa mundong ito, di pa rin siya maipaparis sa walang-hangganan. What is 70, 80 or more years of life here on earth compared to eternity. It is not even a dot. Kung kaya't wag nating sayangin ang pagkakataon, upang di natin masambit kinalaunan ang katagang "Sayang! "
Sayang dahil di mo man lang naipahiwatig at naiparinig ang salitang "mahal kita" o kaya nama'y "pinatatawad na kita". Ang panahon kapag lumipas ay di na maibabalik pa. Ang pagsisisi ay laging nasa huli, sabi nga nila. Kung kaya't wag nating hintayin ang huling sandali. Habang may panahon at pagkakataon, wag nating ipabukas ang nararapat gawin. Iparinig, ipadama, sambitin ang nais ng puso at siyang ibig ng Diyos.

Sayang dahil maraming pagkakataong ibinigay sa atin na makapaglingkod sa Kanyang kaharian subalit di natin ginawa o binibigyan ng pansin. Pagkakataong maka-awit, tumugtog, magturo, manguna sa pag-aaral, magsundo, mag-akay, magbigay at maghandog, at iba't iba pang paglilingkod sa iglesya o simbahan, sa lipunan at sa kapwa-tao, subalit ito'y ating pinagpapabukas, o kaya nama'y pilit na itinatanggi o isinasantabi.

Sabi sa Matthew 6:19-20, "Do not lay up for yourselves treasures on earth, where moth and rust destroy and where thieves break in and steal; but lay up for yourselves treasures in heaven, where neither moth nor rust destroys and where thieves do not break in and steal."

Ang bawat araw na idinurugtong ng Panginoon sa ating buhay ay isang pagkakataong makapag-impok ng kayamanan sa langit na di natutupok, inaanay, ninanakaw, o kinakalawang. Higit ito sa mga materyal na bagay na ating iniimpok, minimithi at pinagpapaguran na dagling natutupok, inaanay, ninanakaw, o kinakalawang, ayaw man natin o hindi.

Darating ang panahon na gustuhin man nating maglingkod o gumawa ng magagandang bagay ay di na natin magawa pagkat tayo'y maaaring wala ng lakas dahil sa katandaan, o kaya nama'y wala ng buhay.

Kung kaya't sabi nga "habang may sikat ang araw" sikapin nating gumawa. Wag na nating hintayin pa na kumulimlim, bumagyo o magdilim, pagka't sa panahong iyon, di na tayo makagagawa pa. At ang masasambit na lamang natin ay "Sayang! "

"Sayang! " Yan ba ang katagang nasasambit mo kadalasan?

Yan ba ang katagang babanggitin mo kinalaunan?

Nawa'y hindi, kungdi "Salamat " ang mamumutawi sa iyong labi pagkat di mo sinayang ang pagkakataong Kanyang ibinigay.

Pagpapala Niya'y sumaatin lagi!

Sunday, November 16, 2008

Bakit Ako Mahihiya?


Sa dahilang nasimulan natin na mga sentimental songs ng late 70’s ang siyang titulo ng ating Pagbubulay-bulay lately tulad ng “Tukso, Layuan Mo Ako” noong nakaraang Linggo, ngayon nama’y ang pamagat ng ating Pagbubulay-bulay ay hango sa awitin na pinasikat noon ni Didith Reyes na “Bakit Ako Mahihiya?”

Hindi ko na bibigyan pa ng background ang awit na ito o ang umawit nito sa dahilang di naman tungkol sa nilalaman ng awit ang ating pagbubulay-bulayan kungdi ang paggamit sa katagang “Bakit Ako Mahihiya?”

Sabi nila makapal daw ang mukha ng taong di marunong mahiya. “Ang kapal naman ng apog mo” ang kantong-salita na maririnig mo kapag ikaw ay tinaguriang walang hiya. (Hindi walanghiya, kungdi walang hiya.)

Dapat nga ba tayong mahiya? Ikaw ba ang tipo na “shy type” kumbaga na ang sambit madalas ay “shy kasi ako eh”. “Dyahi naman” ang dugtong mo pa. Pero sa totoo lang ay gusto-gusto mo rin naman. “Jele-jele, bago quiere” sabi nga sa salitang Kastila. Aayaw-ayaw, pero gusto.

Sa totoo, ang tao’y nilikha na may dignidad. Isang obra-maestrang maipagmamalaki ng dakilang Tagapaglikha. Tayo ang pinakamagandang nilikha ng Diyos sa balat ng lupa pagka’t tayo’y nilikha sa wangis Niya.

Kung gayon, saan nagmula ang “hiya” ng tao sa sarili?

Ito’y unang naganap sa hardin ng Eden. Ating mababasa sa Genesis 3:7 ang ganito, “Then the eyes of both of them were opened, and they realized they were naked; so they sewed fig leaves together and made coverings for themselves.”

Pagkatapos kanin ni Adan at Eba ang ipinagbabawal na bunga, sila’y nagkamalay (o nagkaroon ng malisya) at kanilang napagtanto na sila’y hubad. Kung kaya’t kumuha sila ng dahon ng igos at ito’y pinagtagni-tagni upang ipantakip sa hubad na katawan. Sila’y nahiya.

At nang marinig nila ang yapak ni Yahweh, sila’y agad na nagtago sa kahuyan. “Nasaan kayo” ang tawag Niya. “Nagtago po kami pagka’t kami’y hubad,” ang tugon ng lalaki. Sila’y nahiya.

Ang “hiya” ay nagsimula nang sila’y magkasala. Nang sila’y sumuway sa iniuutos ng Diyos.

Ang kasalanan ang nag-aalis ng dignidad ng tao sa kanyang sarili. Ang nagdudulot sa kaniya na mahiya.

Subali’t ang kahihiyan na dulot ng kasalanan ay pinawi ng lahat sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus sa krus. Inako Niya ang kahihiyan na dapat ay sa atin. Kung kaya’t ang sinumang mananampalataya sa Kaniya ay di na huhusgahan pa, bagkus ay ipawawalang-sala. Tatakpan Niya ang kahihiyang idinulot ng kasalanan.

Bakit ako mahihiya?” kung kasalanan ay Kanya ng pinatawad at binayaran.

Bakit ako mahihiya?” kung taglay ko na ang kapangyarihan na makapamuhay ng may kabanalan.

"I tell you the truth, whoever hears my word and believes him who sent me has eternal life and will not be condemned; he has crossed over from death to life.” (John 5:24)

Bakit ako mahihiya?” kung taglay ko na ang kakayahang ihayag ang Kanyang kadakilaan. Ang kanyang kabutihan. Ang Kanyang katapatan. Ang Kanyang pagliligtas. Hindi ko ikahihiya na Siya ay ipahayag pagka’t Siya ang kaligtasan ng lahat.

I am not ashamed of the gospel, because it is the power of God for the salvation of everyone who believes.” (Romans 1:16)

Subali’t kung tayo’y di sumusunod sa Kanyang iniuutos. Kung tayo’y laging sumusuway sa Kanyang nais. Kung tayo’y laging tumatalikod sa Kanyang ipinagagawa sa atin. Kung tayo’y pasaway at ang laging ibig ay sundin ang pita ng laman sa halip na ang Kaniyang katuwiran, dapat nga tayong mahiya.

Pagka’t napakabuti Niya sa atin. Nanatili Siyang tapat bagama’t di tayo nagtatapat sa Kaniya. Di Niya pa rin tayo pinababayaan. Iniaabot ang Kanyang mga kamay upang tayo’y gabayan at ingatan. Tumutugon sa ating pangangailangan. Napakabuti ng Diyos. Dapat nga tayong mahiya kung patuloy ang ating pagsuway.

"Bakit ako mahihiya ?’’ - yan ba ang katagang sinasambit mo dahil angkin mo na ang kaligtasang kaloob Niya.

"Bakit ako mahihiya ? - pagka’t ikaw ay pinawalang-sala na at kahihiyan mo’y Kanya ng pinawi.

O tayo’y nahihiya pa rin dahil sa kasalana’y patuloy na namumuhay. Nahihiya dahil patuloy na sumusuway.

O sadyang tayo’y walang hiya.

He who has an ear, let him hear.” (Rev. 13:9) Siya na may pandinig, ay makinig.

Isang Pagbubulay-bulay.