Showing posts with label Isaiah 1:18. Show all posts
Showing posts with label Isaiah 1:18. Show all posts

Tuesday, November 3, 2009

Luha

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Jesus wept." (John 11:35)

"Kung may kakayahan lang ang mga luha na sabihin ang mga dapat mong marinig, habang buhay akong iiyak dahil my mga bagay na puso lang ang nakakakita at luha lang ang may kakayahang magpadama."

Matalinghaga subalit puno ng katotohanan. Na maraming buting idinudulot ang pag-luha o pag-iyak. Ito man ay isang simpleng hikbi at pagpatak ng luha sa iyong kanang pisngi o isang malakas at nakakabinging pag-atungal.

Ayon sa mga medical personnel, nakakabuti raw ang pag-iyak pagkat nililinis nito ang ating mga mata. Ang totoo, hindi lang ang ating mata ang nalilinis, kungdi inaalis pa nito ang bigat na nararamdaman ng ating puso.

Sabi nga sa isang awit na aking narinig sa TV AD ni Sen. Manny Villar tungkol sa mga distressed OFWs, “Sige lang huwag mong pipigilan. Iiyak mo lang ang lahat sa buhay. Iiyak mo lang at ika’y tutulungan. Sige lang.”

Pinapawi ng luha ang ano mang sakit, hapdi at lungkot na ating nadarama. Pinaluluwag nito ang nagsisikip nating dibdib.


Kaya, sige lang. “Iiyak mo.” Huwag ng mahiya. Huwag ng magpa-macho-effect at magsasabing “lalaki ako. Hindi ako iiyak. Lalaki ini.” Hindeh! Ang pilit mong pagmamatigas. Subalit kapag napag-isa na, sabay atungal na akala mo kambing na kinakatay.

Yung iba ayaw pa talagang mapapansing sila’y naiiyak. Lalo na’t kapag nanonood ng ma-dramang pelikula tulad ng movie ni Vilma Santos na “Anak”. Na kapag walang nakakakita ay biglang pahid sa nagngingilid ng luha sa mata na kunwari’y napuwing laang. Yung iba, medyo “Mam, may I go out” muna, pero yun pala ay iiyak lamang dahil kanina pa naninikip ang dibdib sa bigat na nararamdaman.

Minsan nama’y di mo namamalayan, pumapatak na pala ang luha sa iyong mata. Garalgal na ang iyong pananalita. Lumuluha ka na pala.

Kaya, sige lang, wag mahiya. Iiyak mo lang.

Ang sanggol nga pagkasilang, iyak agad ang salubong niya sa pagpasok sa magulong mundo. Ito nga kaya’y iyak ng takot at pangamba o iyak ng kagalakan? Mabuting tanungin natin ang sanggol. Yun nga lamang, iyak din ang isasagot niya sa atin lalo na kung nagugutom na’t kailangan nang uminom ng gatas.

Luha. Mainam ito sa atin. Ito’y nagpapahayag ng ating saloobin. Sinasalamin nito ang ating nararamdaman. Ipinapadama nito ang nais bigkasin ng ating puso na di masambit ng ating labi.

Ang Panginoon man ay umiyak at lumuha. Ang pinaka-maikling talata na mababasa natin sa Bibliya ay nang ang Panginoon ay umiyak. “Jesus wept” ang inihayag ng John 11:35. Iniyak ng Panginoon ang lungkot na nadama sa pagkamatay ng kanyang matalik na kaibigang si Lazarus.

Gayundin, nang makita Niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng Kanyang bayang Israel, iniyak Niya rin ito. “As he approached Jerusalem and saw the city, he wept over it.” (Luke 19:41)

Kaya nga’t ang Panginoon ay nagbigay ng paanyaya sa mga nabibigatan at nahahapo. Sa mga labis na namimighati, sa nagdurusa at lumuluha, na lumapit sa Kaniya at sila'y Kanyang bibigyan ng kapahingahan (Matthew 11:28). A shoulder to cry on. Ito ang ibinibigay ng Panginoon sa atin.

Cast all your cares upon him for He cares for you.” (1 Peter 5:7)

Itangis mo sa Panginoon. Iiyak mo ang iyong nararamdaman. Huwag mahiya. Huwag mag-atubili. Higit sa lahat, itangis mo sa Panginoon ang pagkukulang at kalikuang nagagawa at ihingi ito ng tawad.

Wika Niya sa Isaiah 1:18, "Come now, let us reason together," says the LORD. "Though your sins are like scarlet, they shall be as white as snow; though they are red as crimson, they shall be like wool."

Luha. Malaki ang nagagawa ng ating pagluha. Nililinis nito di lang ang ating mga mata kungdi pati na ang ating puso.

Kapatid, kaibigan… ikaw ba’y lumuluha sa ngayon? Sige lang. Iiyak mo. Itangis mo sa Panginoon. Luha mo'y Kanyang papahirin.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

"Ama Naming Diyos na makapangyarihan at puspos ng pag-ibig sa lahat ng nalulumbay at nabibigatan. Akin pong inilalapit sa iyong mga kamay ang aking puso. Ang aking kalungkutan, mga pag-aalala at takot na nararamdaman. Kalingain Niyo po ako ng Inyong bisig pagkat Ikaw ang aking kalakasan at sa balikat Niyo ako makasusumpong ng kapahingahan. Luha ko’y inyong pahirin. Puso ko’y inyong linisin. Sa Ngalan ni Hesus na aking Panginoon, ito ang aking dalangin. Amen.”

Sunday, August 10, 2008

Bakit Ako Pa?



"Kung kelan pa ako nagsimulang dumalo sa mga gawain at mga pag-aaral sa Bibliya, saka naman dumating ang mga ganitong mabibigat na problema."

"Naglilingkod naman ako ng tapat, huh..." "Di naman ako pumapalya sa pag-attend." "Ako pa nga ang laging nauuna."

"Bakit ako pa?"

" Bakit sa akin pa dumating ang ganitong kabigat na problema?"

Marahil ganiito ang mga katagang nasasambit natin kapag tayo'y nakararanas ng mga sunod-sunod na problema. Suliraning animo'y parang buhos ng isang malakas na ulan, walang patid, sunud-sunod. Hindi pa nga nakaka-recover sa isa, mayroon na namang kasunod. "Wala na bang katapusan ito?" ang pabuntong-hininga mong wika.

Bilang isang lingkod ng Panginoon, bilang isang mananampalatayang kumikilala sa tunay na Diyos, Panginoon at Tagapagligtas, tayo ba'y dapat exempted na sa mga problema? May immunity na ba dapat tayo sa mga suliranin? Kalasag ba nati'y di dapat tamaan ng sibat o ng bato ng kalaban?

Ang sagot ay "hindi". Sa katunayan, mas marami pa nga at mas mabibigat na problema ang marahil darating sa atin. Mga kalungkutan, pagtutuligsa, paghamak, kahirapan, karamdaman, sakit ng damdamin pati na ng pisikal. Ang mga ito'y darating sa atin bilang pagsubok upang mapatunayan ang katatagan at tibay ng ating pananampalataya. Tulad ni Job (Job 1-2) kung saan ang pagsubok na dinanas niya'y di marahil maipapantay sa mga pagsubok na dumating at darating pa sa atin, subalit siya'y nanatiling tapat sa Panginoon, gayundin naman ang ating pananamapalataya na inihambing na mas higit pa sa ginto ay idaraan sa apoy upang ito'y maging puro at dalisay.

"These have come so that your faith-of greater worth than gold, which perishes even though refined by fire-may be proved genuine..." (1 Peter 1:7)

Ang mga ito'y bahagi ng paglilinang sa atin ng Poong Maykapal upang ang ating karumhan na dulot ng kasalanan at pamumuhay na makasanlibutan ay papawiin Niya at papalitan ng isang malinis, maputi at makinis na kasuotan.

"Though your sins are like scarlet, they shall be as white as snow; though they are red as crimson, they shall be like wool." (Isaiah 1:18)

Kung gayon sa halip na tayo'y magtanong at magtaka kung bakit laksa-laksang problema ang dumarating sa atin, kung bakit gabundok ang suliraning halos pasan-pasan natin, kung bakit kaliwa't kanan ang sibat na dumarapo sa atin, tayo'y magpasalamat pa nga pagka't ito'y patunay na tayo'y mga anak Niya - nilinis, tinutuwid, pinakikinang at pinadadalisay.

Wag raw tayong magtaka at magsabi ng "Bakit ako pa?" Bagkus ang dapat mamutawi sa ating labi ay papuri at pasasalamat pagkat pagkalipas ng unos, ang sinag ng araw na maaliwalas at pagkaganda-ganda ang muling mamamalas at masisilayan natin taglay ang pagpapala Niya na dulot ng ating pananampalatayang nanatiling matatag at matibay sa gitna ng mga pagsubok na naranasan.

Ang tanong na "Bakit ako pa?" ay dapat pa ngang maging "Bakit nga di ikaw?"

Di baga't mas mainam na pananampalataya nati'y subukin upang maging dalisay ito, nang sa gayon sa pagdating ng ating Panginoon ang katagang maririnig natin mula sa labi Niya'y "Well done, good and faithful servant."

"Bakit ako pa?"

"Bakit nga di ikaw?"

Isang pagbubulay-bulay.

Pagpapala Niya'y sumaating lahat.