Wednesday, September 28, 2011

Kung Manunumbalik Lamang

"If my people who are called by My Name, shall humble themselves, and pray and seek My face, and turn from their wicked ways; then I will hear from heaven, and will forgive their sin, and will heal their land." - 2 Chronicles 7:14

Pinapanood ko kagabi sa TV Patrol ang pinsalang idinulot ni Pedring nang hagupitin nito ang hilagang bahagi ng bansa kasama na ang Metro Manila.

Nakalulunos ang mga imaheng aking nakita. Mga nagbagsakang mga puno, pader, poste at billboards, natuklap na mga bubungan, mga tahanang lubog sa baha, mga paslit na bata, matatanda't kababaihan na lumilikas upang mailigtas ang sarili sa hampas ng bagyo, at marami pang mga nakapanglulumong larawan ng kalagayan ng ating bansa sa ganitong panahon ng kalamidad.

Bakit kaya hindi tinatantanan ang Pilipinas ng unos? Hindi na maka-usad-usad. Lagi na lamang sinasalanta ng iba't ibang kalamidad na gawa ng kalikasan at maging ng sariling kapabayaan.

Bilang isang bansa, bilang isang indibiduwal at bilang isang nilikha - ano kaya ang dapat nating limiin sa ating kalagayan sa harap ng Panginoon.

Pangako Niya na pagpapalain ang sino mang manunumbalik sa Kanya at susunod. Hindi kaya ito ang kadahilanan ng kahirapang nararanasan ng ating bayan?

Remember this, "If my people who are called by My Name, shall humble themselves, and pray and seek My face, and turn from their wicked ways; then I will hear from heaven, and will forgive their sin, and will heal their land." - 2 Chronicles 7:14

Kung gayon, DINGGIN ang tawag Niya. SUNDIN ang hinahayag ng Kanyang Salita. At ang pagpapala Niya'y ating KAKAMTIN.

Isang Pagbubulay-bulay
by Max Bringula Chavez

Sunday, September 25, 2011

I'M SORRY


Sorry, di ko sinasadya. Di ko alam na nasaktan ka pala. Sorry talaga.”

Maaaring pamilyar sa atin ang ganitong mga kataga. Maaaring narinig mo na ito sa isang kaibigan, kapatiran o sa taong malapit sa iyong puso. O maaaring ikaw mismo ay nagbitiw ng ganitong pananalita. Nagsusumamo sa salitang iyong nabigkas na di naman ninais sabihin subalit nasambit na. Kung kaya’t kasunod na lamang niyon ay “Sorry…”

Sadyang malaki ang nagagawa ng maliit na dila na nasa loob ng ating bibig. Maliit subalit makapangyarihan. Sa salita na mula sa dila mapapasunod mo ang isang batalyon, mapapakilos mo ang puso’t isipan ng tao. Maaari itong makapagbigay liwanag at kulay sa madilim na pinagdaraanan. Nakapagdudulot ito ng kalakasan at sigla sa mga napapagal at nalulumbay.

Gayunpaman, sa dila ring iyan nagmumula ang kapamahakan, panghihina, kaguluhan at di pagkakaunawaan.

Kung kaya’t paka-ingatan daw natin ang bawat salita na mamumutawi sa ating bibig. Limiing maigi ang bawat letrang ating titipahin, ite-text at isusulat. Dahil baka sa halip na buhay ang dulot nito, pagkabigo, kalungkutan at kapahamakan ang kamtin ng makakarinig at makakabasa, o kaya’y galit at sakit ng kalooban ang maranasan ng tatanggap.

Ingatan ang labi. Suriin ang sasabihin at isusulat, upang sa kinalaunan ay di babanggitin pagkatapos ang katagang "I'm sorry".

by Max Bringula Chavez