Maraming pagpapapala ang nakakamit ng sinumang nagpapatuloy at di sumusuko sa gitna ng mabibigat na pagsubok at hirap na nararanasan.
Ito ang tinuran at inihayag ng Kanyang Salita na ating pagbubulay-bulayan ngayon na matatagpuan sa James 1:12, “Blessed is the man who perseveres under trial, because when he has stood the test, he will receive the crown of life that God has promised to those who love him.”
Bakit isang pagpapala ang pananatili at di pagsuko, ang pagpapatuloy ano man ang hirap na danasin at kakaharapin? Ito’y sapagkat may nakalaang gantimpala mula sa Kaniya - isang putong ng buhay - ang buhay na walang-hanggang mararanasan sa piling Niya sa Kanyang kaharian.
Pagkat maraming nilalang ang sumusuko agad sa hirap. Ayaw magtiis, gusto’y maginhawang buhay agad. Subalit sa paghahangad nito’y lalong napapariwara. Kumakapit sa patalim. Sinasanla pati kaluluwa.
Aanhin mo ang kayamanan, ang limpak-limpak na salapi, ang katanyagan at kapangyarihan kung ang kaluluwa mo nama’y naka-prenda na’t ano mang oras ay sa dagat-dagatang apoy ang tungo?
Aanhin ang kaginhawaan kung malayo naman tayo sa Diyos na may akda ng ating buhay? Mas mainam pa na dumanas ng hirap, ng sakit ng kalooban, ng pighati at kalungkutan kung ang kapalit naman nito’y buhay na walang-hanggan mula sa Panginoon.
Kaya nga’t kung tayo’t dumaraan sa mga mabibigat na pagsubok, huwag kang bibigay. Huwag kang susuko, kid. Magpatuloy ka lamang. Manatili sa presensiya Niya. Magtiwala at manalig sa Kanya. Pagkat pangako Niya’y buhay na walang-hanggan. Pagpapala Niya’y kakamtin sa sinumang magtatagumpay sa pagsubok na kakaharapin.
Kapatid, kaibigan… kaya mo pa ba? O suko ka na?
Huwag kang susuko, kid. Kaya mo yan pagkat kasama mo Siya. Sa pamamagitan Niya, pagsubok ay mapagtatagumpayan.
I can do everything through him who gives me strength. (Philippians 4:13)
Isang Pagbubulay-bulay.