Sunday, May 13, 2012

INA, NANAY, MAMA, INANG, MOM, etc...


Iba’t iba ang tawag natin sa kanila. Nanay, Inay, Inang, Nanang, Mommy, Mama, Mamang, Ma, Mom, at marami pa.

Bawat isa ay may angking tawag ayon sa antas o estado sa buhay o sa kung ano ang nais niyang itawag sa minamahal na ina.

Maging ang mga sanggol na nagsisimula pa lamang magsalita ay nakasasambit na ng katagang katugma o ka-tunog ng salitang "Nanay" o "Mom", tulad ng "Na", "Ma" o "Ma-Ma".

Marami pa marahil ang maiisip nating itawag sa kanila at marami pang bagong termino ang susulpot sa mga darating na panahon, subalit wala pa ring makatutumbas at makapaghahayag alin man sa mga salitang ito ng dakilang pagmamahal na iniukol ng INA sa kanyang anak.

Kaya't sa espesyal na araw na ito, ating ipadama sa kanila ang ating pasasalamat at pagmamahal.

Atin silang bisitahin, pasyalan, tawagan, i-text, i-eMail, i-chat, at iba’t iba pang pamamaraang avaiable sa atin ngayon upang marinig nila at mabatid kung gaano sila kahalaga sa atin. Pagka’t kungdi natin gagawin ngayon ito, kailan pa? Bawat araw na lumilipas ay di na natin maibabalik pa.

Sa aking pinakamamahal na INA, "Happy Mother's Day" po. I love you, Nay... not just once, but every day of my life.

by Max Bringula Chavez

Saturday, April 7, 2012

Naroroon Ka Pa Rin Ba?

Were you there when they crucified my Lord?
Were you there when they crucified my Lord?
Oh..oh… sometimes it causes me to tremble, tremble, tremble.
Were you there when they crucified my Lord
?”

Hango ito sa isang awit na madalas kong naririnig kapag Semana Santa o Holy Week. Ang malumanay nitong melodiya na sinabayan ng taimtim na pag-awit ay sadyang nagdudulot ng kakaibang hapdi at kirot sa puso na animo’y isang balaraw na itinuturok.

Naroroon ka ba nang ang ating Panginoon ay ipinako at nabayubay sa krus? Nang Siya’y hampasin at pahirapan, suutan ng koronang tinik, duraan, sipain, at laitin.

Nadarama mo ba ang hirap at sakit na Kanyang tiniis para sa atin? Naririnig mo ba ang mga paglait na Kanyang tinamo? Nasaksihan mo ba ang pagturok ng koronang tinik sa kanyang ulunan at ang bawat hagupit na tumatama sa Kanyang likuran?

Dahil sa ating mga sala at ng sangkatauhan, ang ating Panginoon ay dumanas ng hirap at pasakit at kamatayan sa krus. Ang parusang dapat ay sa atin ipinataw ay Siya ang nagbata at umako.

But He was pierced for our transgressions,
He was crushed for our iniquities;
the punishment that brought us peace was upon him
. (Isaiah 53:5)

Naroroon ka pa rin ba magpa-hanggang ngayon? Dahil sa pagkakasala at patuloy na pagsuway.

Mahigit dalawang libong taon na ang nakalipas nang maganap ang lahat ng ito, subalit ang kaligtasan na dulot ng pagtanggap at pagsisisi sa ating mga kasalanan, ang pagkilala at pananalig sa ginawa ni Hesus upang tayo’y maligtas ay nananatili magpahanggang-ngayon at mananatili magpakailanman.

Kung kaya’t tayo’y dapat lumisan na sa lugar na pinangyarihan ng Kanyang kamatayan, at humakbang tayo patungo sa lugar ng Kanyang muling pagkabuhay – ng bagong buhay na kapiling Siya. Doon tayo dapat naroroon.

Kapatid, kaibigan, kasama.... saan ka naroroon ngayon?

Isang Pagbubulay-bulay
by Max Bringula Chavez

Tuesday, April 3, 2012

Patawarin N'yo Po Sila


Father, forgive them, for they know not what they are doing.” – Luke 23:34

Isang dakilang pagmamahal ang mamamalas sa katagang ito na namutawi mula sa bibig ng ating Panginoong Hesus. Habang binabata ang sakit na tumatagos sa buong kalamnan dahil sa pakong ibinaon sa Kanyang paa’t mga kamay, ang pagmamahal pa rin sa sangkatauhan ang laman ng Kanyang puso’t isipan.

Ganito Niya ipinadama ang Dakilang pagmamahal sa atin.

In this is love, not that we loved God, but that He loved us and sent His Son to be the propitiation for our sins.” – 1 John 4:10

Dahil sa ating sala, Siya’y nabayubay sa krus. Ang Kanyang kamatayan ang nagbigay sa atin ng buhay na walang-hanggan. Ang dugo Niya ang naglinis sa ating karumihan. (Heb. 9:22)

Patawarin N’yo po sila” – iyan ang katagang tumutungkol sa atin. Kapatawarang laging laan sa sino mang lalapit sa Diyos at hihingi ng paglilinis sa ating karumihan. Kahiman tayo ang sanhi ng Kanyang kamatayan at paghihirap, kapatawaran Niya’y kakamtin kung sasampalataya lamang at tatanggapin Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas.

Patawarin N’yo po sila” - nawa’y ang dakilang pagmamahal na ito na mula sa ating Diyos at Dakilang Lumikha ang magdala sa atin sa Kanyang paanan.

Isang Pagbubulay-bulay
by Max Bringula Chavez

Monday, April 2, 2012

Crucify Him! Crucify Him!


Ito ang kanilang sigaw, "crucify Him, crucify Him!" (Luke 23:21)

Kani-kanina lamang sila itong nagwawagayway ng Palaspas at nagbubunyi sa Kanya, inihahayag na dumating na ang kanilang Hari.

Subalit ano ang nangyari't ngayon ay iba ang kanilang isinisigaw? Mas ninais pa nilang palayain si Barabbas na isang kriminal at si Hesus na walang kasalanan ang magdusa't parusahan at siyang ipako sa krus.

Madali nga bang makalimot ang tao sa kabutihan ng Diyos? Di niya na ba naalala ang mga pagpapalang binibigay at pag-iingat Niya? Na sa oras ng kagipitan o sa paghahangad ng mas akala niya ay magandang bagay, ipagpapalit ang Diyos sa materyal, sa tao at sa ano mang bagay o mga kaganapan, matiyak lamang ang kanyang pakay at makamit ang nais.

"Crucify Him, crucify Him!"

Ganito rin ba ang ating isinisigaw? Dahil ipinagpalit natin Siya.

"There is a way that seems right unto man, but the end of it is destruction." - Proverbs 14:12

Siyasatin ang sarili, baka kasama tayo sa sumisigaw ng "crucify Him!"

Isang Pagbubulay-bulay
by Max Bringula Chavez

Sunday, April 1, 2012

Iwagayway Mo


They took palm branches and went out to meet him, shouting, "Hosanna! Blessed is he who comes in the name of the Lord! Blessed is the king of Israel!" - John 12:13

Ganito ang ginawa ng mga Hudyo nang pumasok si Hesus sa Jerusalem upang dumalo sa Feast of Passover. Kanilang iwinagayway ang palaspas na tangan bilang pagbubunyi kay Hesus bilang kanilang Hari.

Na siyang nararapat pagkat si Hesus ay Hari ng mga hari. Panginoon ng mga panginoon.

Ang pagwawagayway ng palaspas o ano mang bagay ay pagpapakita di lamang ng pagbubunyi kungdi ng pagpapasakop, pagkilala at pagtanggap sa hinahandugan nito.

Kung gayon, kung si Kristo ang ating Hari, Panginoon at Tagapagligtas, ano ang iwinawagayway mo bilang pagbubunyi sa Kanya kaakibat ang mataas na papuri at pagsamba?

Wika sa Romans 12:1, “Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako’y namamanhik sa inyo na ialay ang sarili bilang handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos."

Ang ating buhay na puspos ng Kanyang kabanalan ang siya nating iwagayway tanda ng pagkilala kay Hesus bilang ating Hari at Panginoon.

Isang Pagbubulay-bulay
by Max Bringula Chavez

Tuesday, February 14, 2012

The Greatest Love of All


This is what LOVE is - that God sent His only begotten Son into the world, that we might live through Him. - 1 John 4:9

LOVE
has to be celebrated not just once a year, it's not to be remembered not just on V-Day, but to be felt and given, not just to the loveable, but most importantly to the unloveable. Just as how God loved us - unworthy that we are yet He gave His lif...e for us.

In this time of the year - let's remember the great and selfless love that God gave us by greeting one another with the love of the LORD.

Let's celebrate the Greatest LOVE of All.

Wednesday, September 28, 2011

Kung Manunumbalik Lamang

"If my people who are called by My Name, shall humble themselves, and pray and seek My face, and turn from their wicked ways; then I will hear from heaven, and will forgive their sin, and will heal their land." - 2 Chronicles 7:14

Pinapanood ko kagabi sa TV Patrol ang pinsalang idinulot ni Pedring nang hagupitin nito ang hilagang bahagi ng bansa kasama na ang Metro Manila.

Nakalulunos ang mga imaheng aking nakita. Mga nagbagsakang mga puno, pader, poste at billboards, natuklap na mga bubungan, mga tahanang lubog sa baha, mga paslit na bata, matatanda't kababaihan na lumilikas upang mailigtas ang sarili sa hampas ng bagyo, at marami pang mga nakapanglulumong larawan ng kalagayan ng ating bansa sa ganitong panahon ng kalamidad.

Bakit kaya hindi tinatantanan ang Pilipinas ng unos? Hindi na maka-usad-usad. Lagi na lamang sinasalanta ng iba't ibang kalamidad na gawa ng kalikasan at maging ng sariling kapabayaan.

Bilang isang bansa, bilang isang indibiduwal at bilang isang nilikha - ano kaya ang dapat nating limiin sa ating kalagayan sa harap ng Panginoon.

Pangako Niya na pagpapalain ang sino mang manunumbalik sa Kanya at susunod. Hindi kaya ito ang kadahilanan ng kahirapang nararanasan ng ating bayan?

Remember this, "If my people who are called by My Name, shall humble themselves, and pray and seek My face, and turn from their wicked ways; then I will hear from heaven, and will forgive their sin, and will heal their land." - 2 Chronicles 7:14

Kung gayon, DINGGIN ang tawag Niya. SUNDIN ang hinahayag ng Kanyang Salita. At ang pagpapala Niya'y ating KAKAMTIN.

Isang Pagbubulay-bulay
by Max Bringula Chavez